Author’s Note:
Alin nga ba ang mas importanteng
ibigay sa mga taong mahalaga sa atin... ang PAGMAMAHAL o ang ORAS? Sabi ng iba,
ang pagmamahal daw. Sabi naman ng iba'y ang oras, kasi ang pagmamahal,
p’wede mo raw ibigay kahit kanino
anytime... subalit ang oras ay minsan mo lang p’wedeng ipagkaloob dahil
kapag ito’y lumipas, hindi mo na ito maibabalik pa.
*****
Kringgg!
Agad akong
napabalikwas nang marinig ko ang tunog nang aking alarm clock. Hudyat iyon na
umaga na naman at kailangan ko na namang simulan ang aking araw.
Diretso ako sa banyo.
Ramdam ko pa ang lamig ng tubig na bumuhos sa aking katawan. Agad akong
nagbihis ng pampasok na damit. Tumunog ang aking cell phone.
“Oh, ‘Ma?” sinagot ko
ang aparato habang nagsusuot ako ng medyas.
“Pumunta ka naman
dito mamaya, anak. Medyo masama k’si ang pakiramdam ko.” Paglalambing ni mama
sa akin. “Dito ka na umuwi mamaya ha? Ipagluluto kita ng paborito mo.”
“Mama, hindi p’wede.
Marami akong kailangang tapusing reports ngayon. Malapit na ang deadline kaya
kailangan kong mag-overtime. Gabi na akong makakauwi, nakakapagod ng magbiyahe
ng malayo, ‘Ma.”
“Bukas na lang, Anak.
Wala ka namang pasok ‘diba?”
“Mama, may mga kailangan
din akong tapusing manuscripts. Ang tagal ng hinihingi sa akin ng editor ‘yon,
baka magalit na ‘yon sa akin at tanggalin ako bilang writer. Saka na lang, ‘Ma,
pag nakakuha ako ng time, okay?”
Dinig ko ang
pagbuntong hininga ni mama sa kabilang linya. Ramdam ko ang pagtatampo n’ya sa
akin. Nasa Manila ang trabaho ko at nasa Cavite naman ang aming bahay. Masyado
akong napapagod sa biyahe kaya naisipan ko na lang mangupahan sa isang
apartment na malapit sa pinagta-trabahuan ko.
Noong unang mga araw,
nagagawa ko pang umuwi sa amin sa Cavite every weekends, pero nang magkaroon
ako ng part time job at maging regular akong writer sa isang publishing
company, hindi ko na nagawang umuwi sa amin. Unti-unti na akong nawalan ng time
sa family ko lalo na sa mama ko.
Akmang palabas na ako
ng bahay ng muling tumunog ang cell phone ko. Si Mabel naman ang tumatawag,
pinsan ko.
“Yes?”
“’Asan ka, Kristel?”
“As usual, palabas na
ng bahay at papasok na sa office. Mamaya ka na tumawag.”
“Masyado kang
nagpapayaman ha.”
“Hindi naman.
Kailangan lang, alam mo na, mahirap ang buhay.”
“Alam ko, pero ‘wag
mo namang abusuhin ‘yang sarili mo. Nasobrahan ka naman sa sipag. Nawalan ka na
nga halos ng oras para sa amin, eh. Lalo na sa mama mo, nagtatampo na ‘yon
sa’yo.”
“Ginagawa ko naman
‘to para sa kanya. Gusto kong magkaroon s’ya ng magandang buhay ‘pag tanda
n’ya,”
“Hindi puro pera ang
kailangan ng mama mo, Kristel. Kailangan n’ya rin ng oras mo. Ikaw din, baka
mamaya magsisi ka, baka kung kelan may oras ka na para sa mama mo saka naman
hindi na p’wede kasi huli na...”
“What do you mean?”
biglang naputol ang linya. Nawala si Mabel. “Mabs? Hello, Mabs? Mabel...”
Tila wala sa sarili
ng maglakad ako patungo sa sakayan ng jeep. Hindi mawala sa isipan ko ang
sinabi ng pinsan ko.
Ikaw
din, baka mamaya magsisi ka, baka kung kelan may oras ka na para sa mama mo
saka naman hindi na p’wede kasi huli na...
Bigla akong tumawid.
Hindi ko namalayan ang paparating na sasakyan sa daang tatahakin ko.
BLAGGG!
“Naku! ‘Yong babae,
nasagasaan!” sigaw ng isang lalaki.
Nandilim ang aking
paningin. Wala na akong makita.
Kringgg!
Agad akong napabalikwas.
Habol-habol ko ang aking paghinga. Panaginip! Isang masamang panaginip.
Napasandal ako sa headboard ng kama.
Ikaw
din, baka mamaya magsisi ka, baka kung kelan may oras ka na para sa mama mo
saka naman hindi na p’wede kasi huli na...
Nagulat pa ako ng
biglang tumunog ang cell phone ko. Si mama, tumatawag.
“Mama?”
“Miss na kita, Anak.
Uwi ka naman dito mamaya. Ipagluluto kita ng paborito mo.”
Ilang oras din ang
lumipas simula ng makausap ko si mama sa phone. Natagpuan ko na lang ang aking
sarili na sakay na ng tricycle habang tinatahak ang daan patungo sa subdivision
kung saan nakatirik ang aming bahay sa Cavite. Sinabi ko sa boss ko na masama
ang pakiramdam ko kaya hindi muna ako makakapasok ng araw na iyon. Miss ko na
din si mama at ayaw kong maging huli ang lahat.
Pasado alas-tres na
ng hapon ng tumapat ako sa bahay namin.
“Manong, bayad ho,
o.”
“Mukhang may patay ho
sa bahay n’yo, Ma’am. Nakikiramay ho ako.”
Napalunok ako. Walang
sabi-sabing lumingon ako sa bahay dahil sa tinuran ng tricycle driver. Biglang umihip ang malamig na hangin.
Sinong
patay?
Tila ba wala ako sa aking sarili ng bumaba ako mula sa tricycle. Malaki ang
pagkakabukas ng gate namin na tila ba open sa lahat ng nais pumasok upang
makiramay.
Dahan-dahan akong
pumasok sa loob. Nakita ko ang aking kapatid na si Kristof na nakaupo sa isang
sulok sa gilid ng aming bahay. Bakas ang lungkot sa kanyang mga mata. Nilapitan ko s'ya.
“Sinong patay?
A-Anong nangyari?” naiiyak na ako.
Yumuko lamang s’ya at
lumuha. Hindi n’ya ako pinansin.
“Kristof, naman!”
inis kong sabi. Luminga ako. Nakita ko ang bunso kong kapatid na lumabas ng
bahay at naglakad patungo sa gate. Hinabol ko s’ya. “Krisie?”
Hindi n’ya rin ako
pinansin. Bakit? Galit ba sila sa akin?
Tuluyan na akong
naiyak. Sumagi sa isip ko si mama kaya patakbo na akong pumasok sa loob ng
bahay. Maraming tao sa sala. Lahat sila ay nakaupo paharap sa isang kabaong. Laking
kasiyahan ko ng makita ko si mama. Buhay s’ya, kausap n’ya si papa.
Thanks, God. Buhay
ang pamilya ko. Bahagyang naibsan ang kaba sa aking dibdib. Buhay si mama,
buhay rin si papa at ang dalawa kong kapatid... pero teka, kung buhay sila,
sino ang nasa kabaong at pinaglalamayan nila ngayon?
Dahan-dahan akong
naglakad patungo sa kabaong at sumilip dito.
Oh
my God! No!
Halos mapasigaw ako.
Ako ang nasa loob ng
kabaong.
Patay na ako!?
Pa’no nangyari iyon?
Paano akong namatay?
Kaya pala hindi ako
pinansin ng aking mga kapatid. Kaya pala walang pumansin sa aking pagdating.
Paanong...?
“Binangungot s’ya,”
narinig kong turan ni Mabel sa aming kapit-bahay. Nilingon ko silang dalawa.
Malapit sila sa kinatatayuan ko.
“Paanong bangungot?”
“Natagpuan na lang
namin s’ya kaninang umaga na wala ng buhay habang nakahiga sa kanyang kama.
Isu-surprise sana namin s’ya nila tita dahil birthday n’ya bukas.” Napahikbi si
Mabel.
“Kawawa naman si
Kristel. Ang bait n’ya pa naman...”
“Kaya nga halos hindi
matanggap nila tita at tito ‘yong nangyari. Hindi nila matanggap na sa isang
iglap ay agad mamamatay si Kristel.”
Nakagat ko ang aking
pang-ibabang labi. Halos mapasigaw ako. Anong nangyari? Bakit nagkaganito?
Nagtatakbo akong
palabas. Mabilis ang aking mga hakbang hanggang sa mapadpad ako sa isang
simbahan.
Pumasok ako sa loob
at nagtungo ako sa unahang hilera ng mga upuan. Lumuhod ako. Napahagulhol ako.
“Diyos ko, paano po
ito nangyari? Tila hindi ko po ito kayang tanggapin. Nakikiusap po ako, bigyan
n’yo pa po ako ng chance. Hindi ko po alam kung sa paanong paraan, pero
naniniwala po ako na kaya n’yong gumawa ng milagro. P'wede n'yo po bang ibalik ang oras? 'Yong time kung saa'y nabubuhay pa ako... Nangangako po ako, hindi na
po ako magpapaka-busy ng sobra. Maglalaan na po ako ng oras para sa aking
pamilya lalo na kay mama basta po, bigyan n’yo pa po ako ng isa pang
pagkakataon upang mabuhay.”
Umihip ang malakas na
hangin. Napapikit ako.
“Kristel?” Idinilat
ko ang aking mga mata. Nilingon ko ang tumawag sa akin. Si mama.
“Maraming salamat at
ligtas ka na.” Niyakap ako ng mahigpit ni mama.
“M-Mama?” halos hindi
ako makapaniwalang kausap ko s'ya ngayon. Nakikita na n’ya ako, hindi katulad
kanina.
Diyos ko, salamat po.
Maraming salamat po.
Nagpalinga-linga ako.
Doon ko napagtanto na nasa loob pala ako ng isang silid sa hospital. Nakahiga
ako sa hospital bed. May benda ako sa ulo, naka-dextrose ako. Ramdam ko ang
sakit ng aking katawan.
“Hindi mo ba
naalala?”
“A-Ano pong
nangyari?” naguguluhan ako.
“Nabangga ka ng jeep
habang tumatawid ka kaninang umaga. Buti na lang at agad kang nasaklolohan ng
isang lalaki. Dinala ka n’ya rito sa hospital at ayon, sabi ng doctor, mabuti
na lang daw at hagip lang ang nangyari kaya pilay lang ang inabot mo.
Alalang-alala kami sa’yo, Anak.”
Napapikit ako.
Dumaloy ang luha sa aking pisngi. Hindi ko maipaliwanag kung ano ang totoong
nangyari. Basta ang alam ko, buhay ako ngayon. Binigyan ako ng Diyos ng isa
pang pagkakataon at kung anuman ang ipinangako ko sa kanya kanina, panaginip ko
man ‘yon or kung ano pa man... muli akong nangangako ako ngayon na tutuparin ko ‘yon.
Muli akong niyakap ni
mama.
“I’m sorry, ‘Ma, kung
nawalan na ako ng oras para sa inyo.”
“Wala ‘yon, Anak.”
“Salamat, ‘Ma, pero I
promise, ibabalik ko na ulit ‘yong bonding natin dati. Hindi na ako masyadong
magpapaka-busy sa trabaho.” Masayang pangako ko.
“Talaga, Anak?
Salamat.”
“Miss ko na po
kayo...”
“Miss ka na rin
namin.”
Bumukas ang pintuan.
“Happy birthday,
pinsan.” Si Mabel ang iniluwa ng pinto. Humalik ito sa pisngi ko.
Natatawa ako. “Bukas
pa kaya.”
“Eh, gusto kong
i-advance, eh.”
Nagkatawanan kami.
Until now, hindi pa rin mawala
sa aking isip ang tungkol sa insidenteng iyon... Ang pagkamatay ko, kung totoo nga ba iyon o panaginip lang... basta ang alam ko, nangyari iyon upang ipa-realize sa akin ang kahalagahan ng ORAS.
The End.

No comments:
Post a Comment