Author’s Note:
Hi. Naisipan kong isulat ang
kuwentong ito magmula ng marinig ko ang awiting “Magda” ni Gloc-9 featuring
Rico Blanco. Sabi ng officemate ko, pakinggan ko raw ‘yong lyrics ng naturang
awitin kasi maganda... then, ito nga, nakabuo ako ng isang kuwento. Sana
maibigan n’yo.
Marami ang binabansagang Magdalena
sa panahon ngayon. Mga babaeng ginagamit ang katawan or ibinebenta ang sariling
laman upang kumita ng pera.
Ang mga tauhan at pangyayari
sa kuwentong ito ay pawang kathang-isip ko lamang. Kung tumutugma man ito sa
inyong personal na buhay, iyon ay hindi ko sinasadya.
*****
Bata pa lang ako ng iwan kami
ng aming ama. Sumama ito sa ibang babae. Ako ang panganay sa aming pitong
magkakapatid, dahil doon kaya ako ang naging katuwang ni Inay sa pag-gabay at
pagpapalaki sa aking mga kapatid. Tinapos ko lamang ang grade-six, hindi na ako
nagpatuloy sa high school para mas makatulong ako kay Inay. May maliit kaming
puwesto sa palengke, tindahan ng isda. Ako ang nagbantay noon at tumayong
tindera, subalit hindi nagtagal ay nalugi kami. Mas malaki pa kasi ang
araw-araw naming upa sa puwesto sa palengke kaysa sa aming kinikita. Naisipan
ko ring ilako na lang ang aming mga isda, pero mas nalugi kami dahil binabarat
lang kami ng ibang mamimili. Tumulong na lang ako kay Inay sa pagtanggap ng
labada, pero maliit ang kita, hindi ‘yon sapat upang matugunan ang aming
pang-araw-araw na pangangailangan.
Isang araw, dumating sa aming
probinsiya ang anak ng aming kapit-bahay na si Carlota. Bali-balita sa aming
lugar na mayaman na ito at may magandang trabaho sa Maynila. Kakilala ko na
s’ya noong bata pa ako, pero hindi ko s’ya naging kalaro noon dahil mas matanda
s’ya ng walong taon sa akin kaya mas nauna s’yang nagdalaga.
“Kumusta ka na?”
Nagulat pa ako sa kanya ng bigla
s’yang nagsalita buhat sa aking likuran. Nagsasampay ako noon sa likod-bahay.
“Mabuti naman. Ikaw? Mayaman ka na raw, ah,”
Tanging ngiti lang ang
kanyang isinagot sa tinuran ko. Iniabot n’ya sa akin ang isang maliit na box ng
isang mamahaling pabango.
“Para kang nag-abroad, ah,”
biro ko sa kanya. “Maraming salamat para rito.”
“Walang-anuman. Dalaga ka na,
ah. Noong huli tayong nagkita, sampung taon ka pa lang ‘ata noon, ano?”
nakangiti pa rin s’ya.
“Oo, tama ka. Ngayon ay
seventeen na ako at malapit na akong mag-eighteen.” Nakangiti ring sagot ko.
“Advance happy birthday. Gift
ko na ‘yan, ha?” itunuro n’ya pa ang ibinigay n’ya sa akin.
Tumawa ako. “Maraming
salamat,”
Tumango lang s’ya. Para
s’yang balisa na hindi ko mawari.
“Sige na. Mauna na ako, Aby.”
Paalam n’ya sa akin sabay talikod.
“Ate Carlota...”
Muli n’ya akong nilingon.
Nagpakawala muna ako ng buntong-hininga
bago ako muling nagsalita. “P’wede ba akong sumama sa’yo sa Maynila?”
“Huh? Bakit?”
“Ang hirap ng buhay dito.
Hindi sapat ang aming kinikita ni Inay para kami’y mabuhay. Gusto kong
makapag-trabaho ng mas maganda, katulad sa’yo...”
Umiling s’ya. “Mas mahirap
ang buhay sa Maynila, Aby. Hindi biro.”
“Pero mas maraming p’wedeng
pasukan doon sabi nila. Please, ate Carlota?” pakiusap ko.
Saglit n’ya akong tinitigan.
“Okay, sige. Magpaalam ka muna sa Inay mo at ‘pag pinayagan ka n’ya, isasama
kita pag-balik ko sa Maynila.”
Kaligayahan ang rumehistro sa
aking inosenteng mukha. “Salamat, Ate.”
Noong una ay ayaw akong
payagan ni Inay na magtungo sa Maynila, subalit napapayag ko rin s’ya. Nangako
ako sa kanya na gagawa ako ng paraan para mahango ko sila sa kahirapan. Alam
kong kay hirap tuparin ng pangakong iyon, pero pipilitin ko.
Ang ganda pala ng Maynila at
ang laki. Tuwang-tuwa ako. Ngayon lang ako nakaluwas dito. Ang daming
naglalakihang mga sasakyang pang-lupa. Ang daming magagandang bahay. Tila ba, lahat ng tao rito ay mayayaman.
Subalit napawi ang isipin
kong iyon ng mapadaan kami ni ate Carlota sa grupo ng mga kabataang madudungis
na naglalaro sa kalsada. Mga tambay sa kalye, mga aleng nagtsi-tsismisan sa
kalsada at mangilan-ngilang pulubing namamalimos sa lansangan.
“Dito ka muna tumira sa
apartment ko habang wala ka pang napapasukan.”
Pumasok kami ni ate Carlota
sa isang maliit at masikip na kuwarto. Sa kuwartong iyon ay mayroon ng maliit
na TV, maliit na sofa, foam na nakalatag sa isang sulok at maliit na lamesa na
naka-puwesto sa kabila ring sulok.
Nginitian ako ni ate Carlota
ng mapansin n’ya siguro ang pagtataka sa aking mukha.
“Hindi naman talaga ako
mayaman. Ganito lang ang buhay ko rito sa Maynila.” Tila ba nabasa n’ya ang
nasa isip ko. “Hinahayaan ko na lang ang mga taga sa atin na maniwala sa kung
ano ang gusto nilang paniwalaan.”
“Si Aling Lupe ang
nagbabalitang mayaman ka na raw dito, ate Carlota.” Ang kaniyang ina ang aking
binanggit.
“Tama ka. Iyon kasi ang
sinasabi ko kay Inay. Ayaw ko kasing mag-alala s’ya sa akin, ayaw kong
pabalikin n’ya ako roon at hindi na payagang manirahan pa rito.” Kinagat n’ya
ang kanyang pang-ibabang labi upang pigilan ang napipintong pag-iyak.
Nilapitan ko s’ya. Nakaramdam
ako ng awa para sa kanya.
“H’wag kang mag-alala, ate
Carlota. Hindi ko sasabihin kay Aling Lupe kung ano man ang natuklasan ko.”
“Salamat, Aby.” Dumaloy ang
luha sa kanyang pisngi. Hindi na n’ya iyon napigilan pa.
Pasado alas-siyete na nang
gabi ng magising ako. Nakatulog pala ako, sanhi siguro ng pagkapagod sa biyahe.
Hindi kasi ako sanay magbiyahe ng malayo.
“Ate Carlota?” lumabas ako ng
bahay at hinanap ko s’ya. “Ate Carlota?”
“Kapatid ka ni Carlota?”
tanong ng isang Ale. Tila kasing-edad ito ni Inay.
Nginitian ko s’ya. “Hindi po.
Kaibigan lang po.”
“Ah...” ta-tangu-tango ito.
“Nakita n’yo po ba s’ya?”
“Hindi. Pero malamang,
rumaraket na naman ‘yon,”
“Ano pong raket?”
“Hindi mo ba alam kung ano
ang trabaho n’ya?”
Umiling ako. Hindi naman
nabanggit sa akin ni ate Carlota.
Nagkibit-balikat lang ito.
“Pumasok ka na sa loob ng bahay n’yo at baka masumpungan ka ng mga loko rito.
Magandang bata ka pa naman, baka mapag-tripan ka.”
Sinunod ko ang sinabi ng Ale.
Muli akong pumasok sa loob ng bahay. Naupo ako sa sofa. Doon ko lang napansin
ang piraso ng maliit na papel na nakadikit sa screen ng TV. May note si ate
Carlota. Sabi n’ya, kumain na lang daw ako dahil baka umaga na s’yang makauwi.
Bigla akong nalungkot. Ang
hirap palang mag-isa. Nami-miss ko sila Inay at ang aking mga kapatid. Nanuod
na lang ako ng TV. Nang mapagod ako at magsawa ay nahiga na lang ako. Muli kong
naisip ang inamin ni ate Carlota kanina. Mukhang tama nga ‘yong sinabi n’ya sa
akin noong nasa probinsiya pa kami, na mas mahirap ang buhay rito sa Maynila at
hindi biro.
Naalimpungatan ako. Sinulyapan ko ang aking relo sa kaliwang braso.
Alas-dos na ng madaling-araw. Bumangon ako dahil narinig kong may nag-uusap sa
labas. Baka dumating na si ate Carlota. Dahan-dahan kong pinihit ‘yong doorknob.
Sumilip ako sa maliit na siwang ng pintuan.
“Nag-enjoy ako. Ang galing mo!”
tila nang-gi-gigil pa ang lalaki. Nakita kong hinalikan nito sa labi si ate
Carlota.
“Me too,” Nakatawang sagot ni
ate Carlota. Nakasuot s’ya ng hanging blouse na spagetti strap. Maikli rin ang
kanyang palda na tila ba konting galaw lang n’ya ay agad s’yang makikitaan.
Nakasuot s’ya ng sapatos na mataas ang takong.
Napalunok ako. Muli kong
isinara ang pinto ng dahan-dahan. Hindi
mo ba alam kung ano ang trabaho n’ya? Naalala ko ‘yong tanong ng Ale sa
akin kanina.
“Gising ka pa?”
Agad kong nilingon si ate
Carlota. Ang kapal ng kanyang lipstick at make-up. Ang lalaki rin ng kanyang suot
na hikaw. Pilit ang ngiti n’ya sa akin.
“Ngayon, alam mo na...”
“B-Bakit ganyan ‘yong trabaho
mo?”
Naupo s’ya sa sofa. “Wala
naman akong ibang mapapasukan, Aby. Hindi naman ako nakapag-aral. Lahat na
pinasok ko, pero kulang pa rin,”
Naupo ako sa tabi n’ya. “Pero
ate, ano na lang ang sasabihin sa’yo ng mga taga sa atin kapag nalaman nila
‘yang totoong trabaho mo?”
“Wala akong pakialam sa
sasabihin ng mga tao. Hindi nila ako kayang buhayin at ang pamilya ko, kaya
kahit hamakin man nila ako, hindi ako titigil sa kung ano man ang ginagawa ko.”
Napaiyak s’ya.
Ayaw kong gumaya kay ate
Carlota. Hindi ko kaya. Naghanap ako ng mapapasukan. Naging dishwasher ako sa
isang canteen. Ilang araw ang lumipas, nalugi ito at nagsara. Naging katulong
ako sa isang mayamang pamilya, pinagselosan ako ng amo kong babae kaya
pinalayas ako. Nag-apply ako sa iba, pero palagi akong hindi natatanggap dahil
Elementary graduate lang daw ako.
“Aby, kakausapin ka raw ng
Inay mo,” Iniabot sa akin ni ate Carlota ang kanyang cell phone.
“Hello, Inay?”
“Anak...” sambit nito sabay
iyak sa kabilang linya.
“’Nay, bakit?” nag-aalalang
tanong ko.
“Ang mga kapatid mo, sina
Mikoy at Pikoy... nadisgrasya. Hindi makalakad si Mikoy at si Pikoy naman,
pumutok ‘yong ulo. Nahulog sila sa puno ng bayabas.” Patuloy sa pag-iyak si
Inay.
“Bakit naman kasi sila
umakyat?” hindi ko na rin napigilan ang pag-iyak.
“Ibebenta nila para pambaon
sana,”
“Ano raw ho ang kailangang
gawin?”
“Kelangang operahan si Mikoy
at si Pikoy naman, kailangan din ng mga gamot. Kailangan ng malaking halaga,
Anak.”
Naihilamos ko ang kaliwa kong
palad sa aking mukha. Saan ako kukuha ng pera? Ultimo nga piso ay wala ako
dahil lahat ng kinikita ko ay pinadadala ko sa amin.
“Sige, Inay. Magpapadala po
ako.”
Napahagulhol ako ng i-off ko na ang cell phone. Pa’no ako makapag-papadala
kila Inay? Baon na ako ng utang kay ate Carlota, pang-tuition ng mga kapatid
ko, pambayad ng utang namin sa probinsiya at kung saan-saan pa. At isa pa, wala
rin s’yang naiipon dahil pinadadala n’ya rin lahat sa kanyang pamilya.
“Anong problema?”
“Kailangan ko ng pera, ate
Carlota.”
“Saan ka kukuha?”
“Ipasok mo ako sa pinapasukan
mo...”
“Aby, hindi p’wede!
Menor-de-edad ka pa. At isa pa, ayaw kong maranasan mo ang mga dinadanas ko.”
“Pero ate Carlota, ako lang
ang inaasahan nila Inay. Kelangang maoperahan si Mikoy.”
Nabalisa s’ya.
“Ate, please?” nagmakaawa ako
sa kanya.
Napaiyak din s’ya. “ O sige,
pero ngayon mo lang ‘to gagawin ha. At mangako ka, na ito ang una at huli.”
Napatango ako. Nanginginig
ang aking mga labi. Napahagulhol ako.
Sumapit ang gabi. Inayusan
ako ni ate Carlota. Nanginginig s’ya habang ako nama’y panay sa pagluha.
“Sigurado ka bang gagawin mo
‘to?”
Anong buhay ang naghihintay
sa akin pag-katapos nito? Nag-aalinlangan akong tumango.
To be continued...

No comments:
Post a Comment